AGIMAT AT BERTUD
PAUNANG SALITA:
Tayo po ay binigyan ng DIYOS AMA ng sariling pag-iisip kaya kung ano man po ang inyong paniniwala o relihiyon ay aking iginagalang at hindi ko hinihikayat ang sinoman na maniwala at sumunod sa aking kinagisnang paniniwala.
Bago ako magsimula sa aking blog na "AGIMAT at BERTUD" nais ko munang ihayag sa mga babasa nito ang aking paniniwala tungkol sa DEUS na makapangyarihan sa lahat!!!
Ang DIOS AMA ay nag-iisa noong panahong wala pa ang lahat ng mga bagay, mga bagay na nakikita man at hindi. (Awit 93:2, Genesis 21:13, Isaias 57:15) Siya ang AMA ay isang Espiritù (Juan 4:24). Siya ay nag-salita (Juan 1:1) ang kaniyang pasimulang salita o ang unang tinig na nanulas sa kaniyang bibig ay naging isang umiiral na Dios (Juan 1:2). Ito ngang Tinig ay isang “Being” o Umiiral na Persona (Genesis 3:8) [Ipina-uunawang ang salitang persona na ginamit ay isang salitang pang-ukol upang ipantukoy sa isa na pinag-uusapan.]
Ang Tinig o Salita ay isang buhay na Umiiral (Hebreo 4:12), Siya ang sa ngayon ay ang tinatawag na “ANAK”. Kung ang Tinig ng Ama ay naging isang Dios o Makapangyarihang umiiral na persona, Samakatuwid bagà ay dalawa ang Dios? Tunay na hindi! Ito ay sapagka’t ang Dios AMA ay pumaloob o puma-sa personang ito, alalaon baga’y sa ANAK (Juan 14:10). Kung kaya tumpak ang pagkasabi: ako at ang Ama ay iisa (Juan 10:30) Iisa sapagka’t sila ay nagkakalakip, gaya nang unang araw na lalangin ang tao; siya ay iisa sapagka’t hindi pa nahihiwalay mula sa kaniyang tadyang ang naging isang babae(Genesis 2:21, 5:2). Tunay nga ang pagka-sabi patungkol sa tao: sa wangis ng Dios siya nilalang (Genesis 5:1, 1:27) Subalit kumusta naman ang Espiritù Santo? Hindi bagà ito ay isa na tinutukoy na ikat-long persona ayon sa tradisyong turo ng pinaka-malaking bahagi ng sangka-Kristiyanuhan? Sapagka’t mapapansin sa talata ng (Mateo 28:19) na tila bagà may binabanggit na tatlo o talong persona na umiiral. Tangi pa roon, bagaman at ang Ama ay isang Espiritù ay tinukoy din na siya ay mayroong Espiritù (Isaias 61:1). Tunay nga na may isa pang umiiral na persona ang Espiritù Santo.(Genesis 1:2) Ngunit nangangahulugan ba ito na tatlo na ang Dios? Tunay na hindi! Sapagka’t kung mapapangsin ang sanaysay sa itaas ay pinatunayan ng Kasulatan na iisa ang Dios bagaman at tila bagà dalawa (ang Ama at ang Anak) ang nabanggit. Ngunit sa usapin tungkol sa Espiritù Santo bigyang pansin lamang ang demonstrasyon o paghahayag sa pamamagitan ng Bautismo na isinagawa ni Juan Bautista, dito’y mapapag-tanto na ang tatlong persona ay iisang Dios. Mapag-uunawa na tatlo nga ang persona o umiiral ngunit ito ay iisa. Gaya naman ng [isang]tao na kaniyang larawan, binubuo ng: espiritù, kaluluwà, katawan. Tatlo ang binabanggit subalit siya ay iisa (1Tesalonica 5:23).
“ ANG AKING PANINIWALA ”
Nang matapos ang paglalang…. Ang makapangyarihang I.D. ay nagpahinga sa ikapitong araw at siya’y lumuklok sa pinakamataas at IKAPITONG BAHAGI ng kalangitan (sa tradisyon ng matandang paniniwala ay ang nuno). Ang wika ng Infinito Deus YESERAYE ay: “Sa kalakihan nitong sandaigdigan WALANG KIKILALANING HARI NG MGA HARI AT DIOS NG MGA DIOS KUNDI AKO LAMANG at WALANG PAGLIKHANG MAGAGANAP KUNDI TATAWAGIN MUNA ANG AKING PANGALAN”.
May tatlong katauhan ang lnfinito Deus: ito ay ang Dios Ama (MATAM), Dios Anak (MITAM), at Dios Ina o Espiritu Santo (MICAM). Ang tatlong katauhang ito ang bumubuo sa “Santissima Trinidad”. Ito ay ayon sa kaalamang bayang teolohiya.
Ang Dios Ama ay ang Dios ni Abraham at ni Moises. Noong unang panahon nakilala siya sa pamamagitan ng tinig o boses. Sa simbolismo ng mga Pilipino, siya ay mata sa loob ng isang trespiku. Kilala rin ito na Ohos Anima Sola.
Ang Dios Anak ay walang iba kundi si Jesus (YESHUA) na bumaba sa lupa, nagkatawang tao, nabayubay sa krus, umakyat sa langit, at umupo sa kanan ng Dios Ama.
Ang Dios Ina ay bumaba sa lupa, nagkatawang tao rin subalit sumakatao sa iba't ibang pinagpalang mga babae na sinusunod ng iba't ibang samahan katulad nina Maria Bernarda Balitaan, Victoria Piedad, Josefina Lopez, atbp. Sila ay may kani-kaniyang tipan na ipinahahayag.
Sa konteksto ng kaalamang bayang teolohiya na itinuturing na apokripal sa Bibliya, ang Dios Ama ang unang naghari sa daigdig na ipinagkaloob ng Infinito Dios. Ipinalam niya sa sangkatauhan ang kaniyang naisin sa lahat ng kaniyang nilalang sa pamamagitan ng tinig o boses. At ganito nga ang nangyari nang palayasin niya si Adan at Eva sa Paraiso at pinagbilinan na sa sarili nilang pawis manggagaling ang kanilang ikabubuhay. Gayundin ang nangyari kay Nunong Noe nang gunawin ang sandaigdigan at kay Moises nang ibinigay niya ang kaniyang sampung utos.
Anopa't ipinagwalang bahala ng sangkatauhan ang pagmamahal ng Dios sa kaniyang nilalang. Ito'y nalusak sa pagkakasala. Kaya't minarapat ng Santisima Trinidad na pababain sa lupa ang Dios Anak sa pamamagitan ng pagkakatawang tao upang iligtas ang sanglibutan. At gayun na nga ang nangyari. Si Jesus ay nagkatawang tao, tinupad ang kaniyang ministeryo, ipinako sa krus, umakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Dios Ama.
Subali't nagpatuloy sa gawaing pagkakasala ang sangkatauhan kahit na nga tinubos niya sila sa pamamagitan ng kaniyang gracia dahilan sa kaniyang lubos na pag-ibig. Ang konsistoryo ng Santisima Trinidad ay muling nagpulong at kanilang pinagkasunduan na panahon na upang ang Dios Ina naman ang bumaba sa lupa.
“KASAYSAYAN NG DEUS AYON SA LUMANG AKLAT NG ISANG ANTINGERO "
Sa pasimula ng wala pa ang langit at lupa, ang lahat ay nababalot sa walang hanggang kadiliman……
Ang makapangyarihang "Infinito Deus YESERAYE" ang unang lumitaw at ang kanyang anyo ay isang matang may pakpak na nakabalabal at sa kanyang balabal ay nakasulat ang kanyang kauna-unahang pangalan na tanging siya lamang ang nagbigay ng kanyang sariling pangalan. Siya'y paikot-ikot lamang sa kanyang paglipad at Matapos ang kanyang paglipad, inisip ng Infinito Deus na gumawa ng kanyang pahingaan, subalit bago siya magsimula sa paglikha ng anomang bagay ay inisip niyang magkaroon ng isang makakatulong sa paglikha.
Sa kaniyang pag-iisip ay sumipot ang "Infinita Deus" sa kanyang ulo at ang anyo ay limang titik na "M-A-R-I-A" na may sinag na nagni ningning sa anyo ng limang talulot ng isang mayuming bulaklak. Ang bulaklak na ito ang tinatawag na Gumamela Celis na ang ibig sabihin ay BULAKLAK ng LANGIT, o bulaklak ng mundo (Rosa Mundi). Ang "MARIA" sa wikang Siria ay MIRIAM na ang kahulugan ay KATAASTAASAN.
Ginawa na nga ng I.D. ang PLANO o ang ANYO ng kanyang mga lilikhain at gagawin SA BUONG UNIVERSO: ARAW, BUWAN, PLANETA, LANGIT, LUPA, TUBIG, APOY, HANGIN, mga kahoy at halaman, mga hayop at TAO, ngunit una at higit sa lahat ay ang mga banal na Espirito na kakatulungin niya sa kanyang paglikha.
Nang mayari na ang nasabing PLANO, ay ipinakita ng I.D. kay Bulaklak na kaniyang kasangguni at sinabi naman nito na tumpak at mabuti kung Espiritual, ngunitkailangang baguhin ang iba kung gagawing Material , sapagkat ang plano ng I.D.,ang malalaking punong kahoy mamumunga ng malalaki at ang maliliit at mabababang halaman ay mamumunga naman ng maliliit. Sinabi ni Bulaklak na kung ang mga punong kahoy na yaon ay ilalagay sa lupa ay kailangang ang lalong malalaki at matatayog ay siyang dapat bigyan ng maliliit na bunga, at ang maliliit at mabababang halaman at gumagapang sa lupa ay siyang dapat bigyan ng malalaking bunga, matataas ay malalaki ang bunga, at wika din ni Bulaklak na ang matatayog at malalaking punong kahoy ay sisilungan ng mga tao at hayop kung nadadarang sa init ng araw, at kung ang malaking bunga ng kahoy ay mahinog at hindi makaya ng tangkay at malaglag at sa pagkakataong ito kapag may taong nakasilong at mabagsakan ay maaaring mamatay o mapinsala ang kaya ito ay dapat baguhin ang sabi ni Bulaklak. Kaya ang I.D. ay binago ang kanyang plano ayon sa payo ni Bulaklak. Ang malaki at matayog ng kahoy ay siyang pinapagbunga ng maliit, at ang maliliit na halaman ay siyang pinapagbungang malalaki, ayon sa payo ni Bulaklak.
Nang nakahanda na ang lahat ay inisip ng Dios na likhain na ang kanyang mga kakatulungin. Ng siya'y nag-iisip ay bigla siyang pinawisan sa kanang tagiliran, at ng kanyang iwaksi ang labing anim nawisik ng pawis ay naging labing anim na Espiritu (16). Muli siyang pinawisan sa kaliwang tagilirang at ng iwisik ang ay tumalsik ang walong butil ng pawis na siyang naging walong (8) mga espiritu.
Matapos ang paglikha ng I.D. sa 24 na Matatanda o mga Espiritu ay binigyan niya ng kanya-kanyang masasakupan at lilikhain at sila’y nagkahiwa-hiwalay na ayon sa kanilang grupo, subalit ang habalin ng I.D. na bago sila gumawa ng ano mang paglikha ay unahin munang tawagin ang kanyang KAMAHAL-MAHALANG PANGALAN at magagawa nila ang lahat.
Sa 24 ay hinirang ng I.D. ang tatlo na magsisiganap at tutupad sa kanyang ginawang plano. Ito ang tinatawag na tatlong makapangyarihang "AAA" AVELATOR-AVETEMIT-AVETILLO +++ Sila ang Tatlong Persona o Santisima Trinidad na nag-usap sa pagsisimula ng paglikha ng Tao, na ayon sa Lumang Tipan ang nasusulat ay “lalangin natin ang TAO ayon sa ating wangis”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento